Binasag ni Philip Greatwich ang 2-all pagtatabla mula sa assist ni Ali Borromeo sa 82nd minute, bago kumunekta si Emelio Caligdong ng short lob na lumusot sa Cambodian goalie na si Ouk Mic upang iseguro sa RP XI ang panalo na nagpalaki ng kanilang tsansa para sa medalya.
Nakatakdang magpahinga ang Nationals, nakabawi sa 0-1 pagkatalo sa defending champion Thailand, ng apat na araw bago sila sumabak sa pagsungkit ng slot sa semifinals kung saan makakalaban nila ang Malaysians sa Martes sa nasabi ring venue.
Taglay ang inspirasyong ibinigay ng mga manonood kasabay ng pagwagayway ng bandila ng bansa, magaang na winalis ng Nationals ang Cambodian na tuluyan ng napatalsik sa kontensiyon.
"Im very proud of the boys," wika ni coach Aris Caslib sa kauna-unahang panalo ng RP XI sa Cambodia.
Sa katunayan, ito rin ang unang tagumpay ng Philippines sa SEAG mula ng igupo ng Brunei noong 1995 Chiang Mai Games.
Sa womens division, hangad naman ng RP Lady booters na makabangon din sa 0-1 pagkatalo laban sa Thailand sa pakikipagharap sa Indonesia sa alas-6:30 ng gabi sa Marikina Sports Complex pagkatapos ng sagupaan ng Thailand at defending womens champion na Vietnam sa alas-4:00. (Ulat nina Nelson Beltran at Antonieta Lopez)