Tinanghal ng POC Executive Board si national equestrianne Mikee Cojuangco-Jaworski bilang flag bearer, habang si taekwondo jin Maria Antonette Rivero ang torch bearer sa idinaos na pulong kahapon sa Milky Way Restaurant sa Makati City.
Ayon kay POC president Jose Peping Cojuangco, Jr., wala siyang kinalaman ukol sa naging desisyon ng Executive Board sa pagkilala sa anak niyang si Mikee bilang flag bearer.
"Ang parang consensus ng Board ay parang hindi daw maganda yung idaan sa texting yung pagpili sa flag bearer. The people will gonna vote for an athlete na hindi naman nila masyadong kilala," ani Cojuangco.
Kahit na hindi sumali si Cojuangco sa botohan, tiyak nang mananalo si Mikee, ang gold medal winner sa 2002 Asian Games sa Busan, Korea, laban sa 10 pang atletang inilista ng Executive Board.
Kabilang sa mga nasa listahan ay sina Toni Leviste ng equestrian, Marestella Torres at Rene Ferreira ng athletics, Mark Ray Ramirez ng softball, Harry Tanamor ng boxing, Rene Catalan ng wushu, Ronalyn Greenless ng lawn bowls, at sina Wilton Baccay, Ric National at Junrey Dayumat ng dragon boat.
Tumagal ang naturang pulong ng halos apat na oras. (Russell Cadayona)