Pagulayan talsik na rin

Ipinakita ni Dennis Orcullo ang kanyang matinding determinasyon nang kanyang sibakin si Alex Pagulayan, 9-4 sa Philippine 9-Ball Open noong Biyernes ng gabi at ilapit ang kanyang kampanya sa semifinal kahapon sa Robinson’s Galleria Trade Hall.

Ang kabiguan ay nagdala sa reigning U.S. Open champion na malaglag sa loser’s bracket matapos na muling lumasap ng pagkatalo sa mga kamay naman ni Ramil ‘Bebeng’ Gallego, 9-3.

Kinuha ni Pagulayan ang unang dalawang sets ng knockout match, ngunit nangapa ito sa kanyang breaks sa natitirang tira.

"Kuha talaga ni Dennis ang numero ko," wika ni Pagulayan. "Nadala ko tuloy ‘yung malas hanggang sa laban ko kay Bebeng."

Ang pagpapayukod ni Orcullo sa isa sa mahuhusay na cue artist na si Pagulayan ang nagbigay ng kaba sa iba pang kalahok sa event na ito na magkatulong na inorganisa ng Puyat Sports at Solar Sports para maibulsa ang korona.

Sa iba pang resulta ng loser’s bracket match, muling ipinagpatuloy ni Mario Tolentino ang kanyang paninilat nang isama sa kanyang biktima si Leonardo ‘Dodong’ Andam ng kanya itong payukurin sa iskor na 9-7.

Nauna ng tinalo ni Tolentino sina Efren "Bata" Reyes at Rodolfo "Boy Samson" Luat sa first round.

Show comments