Sinabi kahapon ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na ang Indonesia at Thailand pa rin ang paboritong humataw ng gintong medalya sa naturang biennial event na nakatakda sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5.
Ang Indonesia ang naghari sa mens division, samantalang ang Thailand naman ang nagreyna sa womens category ng 2003 SEA Games sa Vietnam.
"This time around dahil nga host tayo, atin ang crowd mas magiging malakas ang loob ng mga bata natin," sabi ni PVF vice-president Tony Boy Liao. "Sa tingin ko ang ating target goal talaga natin is to beat Vietnam in the womens division. When we beat Vietnam, most likely well get into the finals."
Huling nakatikim ng medalya ang mga Filipino volleyball players noong 1991 Manila SEA Games kung saan sila pumalo ng bronze medal.
"After that wala na. Sa lalaki talaga malaki ang drought mula noong 1991. Hopefully, ngayon maganda ang ipapakita ng mens team natin," wika ni Liao.
Matapos kuhanin ang gintong medalya noong 1993 SEA Games, hindi na ito natikman pa ng mga Filipina volleyball players na nag-uwi ng tanso sa nakaraang dalawang edisyon ng SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia noong 2001 at sa Vietnam noong 2003.
"We are hoping na magiging maganda ang ipapakita ng men at womens team natin because of our hometown advantage at ang training nila sa ibang bansa," ani Liao. (R.Cadayona)