Naging mahigpitan ang labanan nina Pagulayan at Parica na nagtabla sa 5-5 ngunit sa tuwing may pagkakataon si Parica na kontrolin ang labanan, lagi naman itong nagmimintis kaya naaagaw ni Pagulayan ang momentum.
Ito ang nagbigay daan sa pagsulong sa dating World Pool Champion na si Pagulayan sa 9-5 kalamangan.
Humirit pa ng isang game si Parica, 9-6 ngunit hindi na nito napigilan si Pagulayan sa sumunod na dalawang laro upang duplikahin ang kanyang panalo sa kanyang kapwa Pinoy sa kanilang naunang pagkikita.
Labis ang kasiyahan ni Pagulayan na nagsabing malapit na niyang matupad ang kanyang tatlong misyon: ang manalo sa World Championship at US Open, at ang huli ay tumangkad pa ng dalawang pulgada.
Nagsubi si Pagulayan ng $40,000 sa kanyang tagumpay habang nagkasya sa $20,000 si Parica na nakarating sa finals matapos talunin sa losers bracket si Francisco Django Bustamante, 11-10.
Nag-uwi ng $10,000 si Bustamante habang si Earl Strickland ay may konsuwelong $5,000.