Alas-2:00 ng hapon ang sagupaan ng CSB Blazers at ng SSC Stags na susundan naman ng engkwentro ng CSJL Knights at JRU Heavy Bombers sa alas-4:00 ng hapon.
Tangka ng Letran at ng St. Benilde ang kanilang ikaapat na sunod na panalo upang makakalas sa four-way-tie sa 3-0 record habang nais naman ng San Sebastian at ng Jose Rizal na matikman ang unang panalo matapos mabigo sa kanilang unang tatlong pagtatangka.
Kasalukuyang magkakasalo sa liderato ang Knights, Blazers at ang mga walang laro ngayong defending cham-pion Philippine Christian University at Mapua Institute of Technology taglay ang magka-katulad na 3-0 record .
Sa juniors division, maghaharap naman ang La Salle Greenhills at ang SSC Staglets sa pambungad na laban sa alas-11:30 ng umaga habang sa ikaapat at huling laro ay magtutuos naman ang Letran Squires at ang JRU Light Bombers.
Aasahan ni CSB coach Caloy Garcia ang beteranong si Paolo Orbeta na manguna sa Blazers katulong sina Jay Sagad, Christian Cabatu at Martin Urra.
Sasandal naman si Letran coach Louie Alas kina Boyet Bautista, JP Alcaraz, Jon Aldave, Aaron Aban, Mark Andaya, Frederick Rodriguez at Jon Piñera upang pamunuan ang Knights na pinapaborang manalo sa Jose Rizal na karamihan ay puro rookie na players. (Ulat ni CVOchoa)