Kasi nga, kontra sa Alaska Aces noong Huwebes sa kanilang out-of-town game sa Don Celestino Martinez Sr. Sports and Cultural Center sa Bogo City Cebu ay pwede na sanang layuan ng Tigers ang Aces nang magkaroon ng foul trouble si Dickie Simpkins. Pero hindi ito nagawa ng Coca-Cola.
Maganda ang naging depensa ng Aces kay Johns dahil dino-double team nila ito tuwing makakahawak ng bola. At hindi basta-basta nakakapasok sa shaded area si Johns. Hindi naman niya pinupuwersa ang kanyang kilos laban sa mga local defenders.
May pag-asa sanang magwagi ang Tigers laban sa Aces subalit napabayaan nila si Simpkins sa huling tatlong segundo. Si Simpkins ang nagbigay ng inbound kay Reynell Hugnatan at pagkatapos ay dumeretso ito tungong basket at nakatanggap ng pasa. Hindi siya nasundan ni Johns at libreng-libre ang kanyang tira para magwagi ang Aces, 75-74.
Kumbagay ginamit ni Simpkins ang kanyang pagiging beterano kontra kay Johns. Seven-year NBA veteran si Simpkins at naging kakampi pa nga nito si Michael Jordan sa Chicago Bulls.
Sa kabilang dako, si Johns ay galing sa paglalaro sa China bago kinuha ng Coca-Cola. Ayon kay coach Eric Altamirano ay tatlong linggo itong nabakante buhat nang bumalik sa Estados Unidos kung kaya medyo out-of-shape pa ito.
Si Johns ay inirekomenda kay Altamirano ni dating PBA television panelist Jim Kelly na ngayon ay scout ng Toronto Raptors. Tinitingnan din kasi ng Raptors ang posibilidad na kunin si Johns sa susunod na NBA season.
Pero kung lalamya-lamya nga si Johns, kahit na seven-footer siya, baka hindi siya makuha ng Raptors. Kumbaga, ang paglalaro niya sa Coca-Cola ay susuriin ding mabuti ni Kelly. Titingnan ng Raptors scout kung puwedeng pakinabangan si Johns.
Kaya naman kailangan ay magsipag si Johns sa laro. Dapat ay maging aggressive siya. Hindi porket matangkad siya ay passport na iyon para makapaglaro sa NBA. Maraming higante na hindi kinukuha ng mga NBA teams dahil sa hindi sila uubrang makipag-salpukan sa mga masisipag na players.
Kung sabagay, ikalawang game pa lang naman ni Johns iyon sa kampo ng Tigers at kung talagang out-of-shape siya, puwede iyon excuse sa impression na tatamad-tamad siya. Kapag nahirati na siya sa playing conditions ng PBA at sa klima sa Pilipinas na talaga namang mainit ngayon, baka umasenso ang kanyang laro.