TATAK NG 2004

Inakala nating magulo ang mga kaganapan sa basketbol noong 2003. Pero hindi natin inasahang mas makulay pa ang taong 2004. Nayanig ang mundo ng laro, di lamang dito, kundi pati sa buong mundo.

Sa taong 2004, natuldukan na sa wakas ang pamamayani ng USA sa international basketball. Kita na natin: ayaw maglaro sa Olympics ng mga magagaling. Hirap sila sa mga bansang ni hindi maglalaro sa Athens. Kaya hindi sorpresa na supalpal ang aabutin ng Amerika.

Agaw-eksena rin sa 2004 ang kaso ng sexual assault laban kay Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers. Di lamang nakabawas sa atensyon niya sa paglalaro, nakadagdag pa sa hidwaan nila ni Shaquille O’Neal at Phil Jackson. Lumabas ang tunay na kulay ni Bryant, na umaastang parang may utang na loob sa kanya ang mundo.

Mabilis namang nalimutan ng marami na naging kampeon ng NBA ang Detroit Pistons. Dahil ba sa walang superstar ang Motor City Squad? Nagsama-sama ang mga manlalarong di nakahanap ng puwang sa ibang team. Nakilala ang Pistons sa sipag at tiyaga (tulad ni Ben Wallace) at talinong di pinansin (gaya ni Rip Hamilton, na itinapon ni Michael Jordan nang sila’y magkakampi sa Washington Wizards).

Nalunod din diumano ang ibang kuwento sa paglipat ng team ng mahigit isang daang player ng NBA. Maliban kay Shaq, si Tracy McGrady ang pang-apat pa lamang na scoring leader sa NBA na ipinagpalit sa ibang team. Bahagyang nalito ang mga manonood sa dami ng nag-alsa-balutan.

Kamakailan lang, nagkaroon ng maramihang multahan at suspensyon nang magbakbakan ang Pistons at Indiana Pacers. Nakagugulantang na parusa ang ipinataw ni Commissioner David Stern sa mga nagwala. Tuluyang nagbago ang mukha ng NBA sa 2004-2005 season.

Sa Huwebes, ang mga masasayang pangyayari ng 2004 sa Philippine basketball.
* * *
Tandaang sumali sa Basketball Challenge. I-text ang "BC" sa 2989, at maaari kayong magwagi ng mga tunay na PBA jersey araw-araw. Mababanggit pa kayo sa programang ‘The Basketball Show ‘ tuwing Sabado, alas 3 ng hapon sa ABC 5.

Show comments