Sa kasamaang-palad, ang nakatalagang ipalabas ng alas 9:30 ay nagsimula ng halos alas 11 na ng gabi, kaya marami ang di nakapanood. Ultimong ang naglahad ng kakulangan ng disiplina ay naging biktima nito.
Dose-dosena ang kinapanayam ng grupo ng ABS-CBN, na naghanda ng tatlong buwan.
Kabilang dito ang mga opisyal ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, na hindi maitago ang kanilang ngitngit sa isat isa.
Marami ang sama ng loob na lumitaw sa documentary, mula sa paghihirap ng karaniwang atleta, at ang pag-akyat nila bilang elite athlete, kinatawan ng Pilipinas sa international competition.
Mula sa pro boxing noong panahon ng depression hang-gang sa amateur boxing sa Olympics sa Athens, pare-pareho ang problema, magpahanggang ngayon.
Kulang ang gamit, kulang ang pera, sobra ang pulitika.
Mabubuhay nga ba ang national athlete sa allowance na P8,000 lamang? Pang-Class A lang iyan. Mas mababa pa yung sa national pool members. Kung ikaw ay isang weight-lifter, isang linggong grocery lamang iyon.
Dalawang bagay ang nakakalungkot at nakakadismaya sa kuwentong ito.Una, na ilang taon- hindi, dekada- ang binibilang, pero ganoon pa rin ang mga problema. Pangalawa, at mas nakakadismaya, mukhang hindi na magbabago.