William Jones Cup: RP-Cebuana- Lhuiller vs Germany

Muling magbabalik-aksiyon ang RP-Cebuana Lhuiller training team sa kanilang pakikipaglaban sa Germany ngayon sa bakbakan ng mga kulelat sa 26th William Jones Cup tournament sa Taiwan.

Sa kasalukuyan, wala pang magandang resulta sa biyahe na ito ng dalawang koponan sa tatlong araw ng kompetisyon.

Nilasap ng RP dribblers ang 114-83 kabiguan sa kamay ng host team Chinese-Taipei white sa opening day at binugbog ng Japan Under-24 team, 84-68 noong Linggo.

Sa kabilang dako naman, minasaker ng Perth Wildcats ng Australia ang Germany, 99-36, at pinayuko ng Chinese Taipei-Blue team, 86-60. Ang mga Germans na binubuo ng mga batang manlalaro mula sa kanilang International Basketball Academy (IBA), ay kasalukuyang nakikipaglaban sa South Korea habang sinusulat ang balitang ito.

Show comments