Naorasan ng isang oras, 13 minuto at 14 segundo ang 19 year old na si Hernanie Sore ng Sto. Niño, South Cotabato, habang ang 21 anyos na si Monalisa Ambasa ng Suralla, South Cotabato ay nagtala ng tiyempong isang oras, 27 minuto at 10 segundo upang angkinin ang pangunahing karangalan sa 21 kilometer qualifying race para sa mens at womens division, ayon sa pagkakasunod.
Sina Sore at Ambasa, kapwa kumukuha ng criminology at middle distance varsity runners sa Rizal Memorial Colleges sa Davao City ay nag-uwi ng premyong P10,000 at bagong Globe Handy Phone. Bukod dito, kuwalipikado na rin sila sa Grand National finals sa Metro Manila sa Nobyembre 14 kasama ang second at thrid placer sa dalawang division.
"Sa umpisa pa lang naka-una na ako pero sumusunod sa akin si Sid (Isidro Vildosola) kaya lang naubos siya pagbalik sa finish line," ani Sore, na pumangatlo sa GenSan leg noong nakaraang taon.
Pumangalawa naman si Petronio Diaz, asawa ni Davao City leg defending champion Stella Mamac-Diaz at ikatlo si Vildosola. Pinagharian naman ng 21 anyos na si Stephen Brania at 17 year old Rose Diaz ang 5K fun run na nilahu-kan ng may 4,879 runners.
Sa kiddie age-group, nagwagi sina Kurt Gonzales at Joy Capaniarihan sa 9-under at Jimboy Ybañez at Eliza Luna sa 10-12 age-categories.