UAAP WARS

Ngayong umaga’y nakatakdang magdaos ng press conference para ilunsad ang 2004 season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at tiyak na puputaktihin ng mga tanong ang coaches ng walong koponang kalahok sa liga. Tiyak ding magtatago ng kani-kanilang baraha ang mga coaches at walang aamin na sila ang malakas na koponan sa taong ito.

Pero siguro, kahit na anong pagtatago pa ang gawin ng Far Eastern University Tamaraw, hindi maiiwasang sabihin na ang tropa ni coach Koy Banal ang siyang "heavy favorite."

Aba’y umaapaw sa karanasan ang Tamaraws lalo’t iisiping tatlong conferences na silang kabilang sa Philippine Basketball League kung saan iniisponsoran sila ng Viva Mineral Water.

At noong nakaraang buwan lang ay nakamit nila ang kampeonato ng PBL Unity Cup matapos na talunin sa Finals ang isa pang power-house team na Welcoat House Paints. Kahit pa sabihing kasama nila sa koponan ang mga tulad nina Warren Ybañez at Jason Misolas na hindi naman miyembro ng FEU Tamaraws, hindi maipagkakailang malakas ang tropa ni Banal. Sina Ybañez at Misolas ay kabilang lang sa Mythical Second Team.

Kabilang naman sa Mythical First Team sina Dennis Miranda, Mark Isip at Arwind Santos na pinarangalan din bilang Most Valuable Player ng Unity Cup. Ang tatlong ito ang siyang magsisilbing main men sa kampanya ng Tamaraws sa taong ito.

Kaya lang, may nangangamba na baka hindi mapagtuunan nang husto ni Banal ang Tamaraws dahil sa tinanggap niya ang posisyon bilang assistant coach ni Paul Ryan Gregorio sa Purefoods Tender Juicy Hotdogs. Baka nga naman mahati ang kanyang konsentrasyon.

Kung sabagay, wala namang PBA games habang gumugulong ang UAAP basketball tournament. Sa Setyembre o Oktubre pa magsi-simula ang 30th PBA season so sa ngayon ay puwedeng sa FEU muna mag-concentate si Banal.

Okay na rin yung pagkakahirang kay Banal bilang assistant coach ng Hotdogs dahil ito’y magsisilbing reward sa kanya. Sa tutoo lang, maraming ibang coaches na kinunsidera ang Purefoods para maging assistant ni Gregorio. Pero dahil nga sa hawak din ni Banal ang Viva MIneral Water na siyang amateur team ng San Miguel Corporation ay siya na lamang ang iniakyat. Tutal nga nama’y kapamilya na siya, e.

Bukod sa FEU, masasabi ring astig ang Ateneo Blue Eagles dahil lumahok din sila sa PBL Unity Cup kung saan inisponsoran naman sila ng Lee Pipes Jeans. Bamagat bago ang coach ng Blue Eagles sa katauhan ni Sandy Arespacochaga ay nahatak na rin ang mga manlalaro nito dahil sa paglalaro sa PBL.

Sayang nga lang at tumigil sa paglahok sa PBL ang La Salle-ICTSI. Maganda sanang exposure iyon para sa Green Archers. Pero siguro naisip nila na matagal na nga silang kumakampanya sa PBL pero hindi din nagkakampeon. Baka mas mabuti na mamahinga sila at pagtuunan nang husto ang training nang hindi nakikipagsagupa sa PBL ballclubs. Baka mas magandang strategy ito.

Ang ikaapat na team na pinapaboran ng UAAP oddsmakers ay ang Adamson Falcons dahil sa maganda ang naging build-up ni coach Luigi Trillo. Baka sakaling ngayon ay pumasok na sila sa Final Four.

Pero siyempre, palaban din naman ang ibang teams gaya ng UE Warriors, UST Growling Tigers, UP Fighting Maroons at National University Bulldogs.

Giyera na sa Sabado!

Show comments