Milagrosong nagkakaroon ng pagkain sa mesa, bayad sa kuryente, damit sa aparador, at pangmatrikula sa paaralan. Tuwing nagkakasakit, may gamot. Pag gustong gumimik, may pambayad. Si Santa Claus, isang araw lang kung magtrabaho. Sa natitirang 364, kay, Daddy, Ama, Itay, Papa o Tatay bumabagsak.
Sa mundong aking ginagalawan, makikita ang epekto ng pagkawala ng ama.
Pinakamatinding halimbawa nito ay si Dennis Rodman, na lumaki ng walang ama na gumabay sa kanyang paglaki. Nakita naman natin ang bunga.
Si Charles Barkley ay namulat sa pag-alaga ng lolat ina, at naging kilala sa pagiging rebelde, bagamat di kasing gulo ni Rodman.
May mga halimbawa rin ng di-kasundo ang mga tumayong ama, at naging brusko rin.
Si Shaquille ONeal ay pinalaki ng stepfather na sundalo, at militar ang estilo ng pagdidisiplina sa kanya. Ngayoy may sarili na siyang buhay, para siyang batang nakawala sa kulungan. Pati ang mga anak niya ay nabalitaang sa mga ina nakatira.
Magugunitang si Bill Laimbeer ang haligi ng orihinal na "Bad Boys" ng Detroit Pistons nang maghari sila sa NBA noong 1989-1990. Alam ng marami na malaking negosyante ang tatay niya, at di sila magkasundo. Doon naitanim ang ugali niyang gustong manalo sa anumang paraan.
Dito sa Pilipinas, maraming ama ang naging inspirasyon sa mga anak na naging sikat na atleta. Ilan lamang ang mga tulad ng mga Nepomuceno, de Vega, Jaworski, Loyzaga, Villanueva sa mahabang listahan.
Marami na rin ang angkan ng mga Banal, Reyes, Pumaren at ilan dosenang mga atletang sumusunod sa yapak o pangarap ng mga ama.
Anuman ang naging relasyon natin sa ating mga ama, magpasalamat tayo, kahit minsan man lang.
Di natin masisiguradong palagi silang nandyan. Kung sakaling mawala sila, tayo pa ang magsisisi.