PBA Fiesta Conference: Umaatikabong aksiyon sa q'finals simula na

Isang ‘himala’ ang kinailangan ng Red Bull para malusutan ang wild card phase ng Gran Matador PBA Fiesta Cup Conference at ito ang magbibigay sa kanila ng lakas sa kanilang kampanya sa quarterfinal phase na magsisimula ngayon sa Araneta Coliseum.

Sariwa pa sa kanilang milagrong 83-82 panalo kontra sa Shell na uma-bante ng hanggang 25 puntos, nagawang tibagin ng Barakos ang abanteng ito para makasulong sa round kung saan papasok ang dalawang dayuhang koponan.

" You can consider it as a miracle. It’s almost impossible to overcome a 19-20 point lead. I don’t have words to describe that win. It’s really incredible," ani Yeng Guiao, coach ng Red Bull.

Ang unang asignatura ng Barakos ay ang San Miguel sa alas-7:10 ng gabing laban pagkatapos ng engkuwentro ng Ginebra at Alaska sa unang laro sa ganap na alas-4:45 ng hapon.

May bentahe ang Beermen sa labanang ito dahil sila ang unang team na pumasok sa yugtong ito at hindi na dumaan sa wild card phase tulad ng Aces kaya nagkaroon sila ng pagkakataong magpahinga at makapaghanda ng husto para sa double round quarterfinals na ito.

Mas mahaba ang pahinga ng Beermen dahil dumaan rin ang Alaska sa playoffs kontra naman sa Coca-cola na kanilang tinalo 95-90 para sa huling awtomatikong quarterfinal slot.

Malaking papel ang ginampanan ni Junthy Valenzuela sa malaking panalo ng Red Bull na siyang umiskor ng winning freethrows at nag-sagawa ng crucial block para maiselyo ang tagumpay.

Kung malalagay uli sa alanganing sitwasyon ang Red Bull ngayon, inaasahang kikilos si Valenzuela gayundin ang import na si Victor Thomas, Davonn Harp at Mick Pennisi.

Makakatapat nila sina Art Long, Danny Ildefonso, Danny Seigle, Olsen Racela, Patrick Fran at Nick Belasco ng San Miguel.

Kahanay ang Red Bull sa Group A kasama ang San Miguel, Talk N Text at US Pro-Am Selection habang nasa Group B naman ang Ginebra, Alaska, Coca-cola at University of British Columbia. (Ulat ni C. Ochoa)

Show comments