Sasagupain ng reig-ning RP Jr., bantamweight champion Eric The Maverick Barcelona ang kasalukuyang PBF Jr., Bantamweight king Roselito Tornado Campana sa isang klasikong labanan.
Suportado ng Tanduay Rhum at Lactovitale, ang nasabing laban ay mapapanood ngayong alas-9 ng gabi sa IBC-13. Inaasahan na ng mga league watchers na ang 10-round bout ay siguradong uusok sa pagpapalitan ng matitindi at mabibilis na kumbinasyon ng mga kamay ni Barcelona kontra naman kay Campana na bagamat naka-steady lang mayroon itong naitatagong agresibong estilo.
Ang dalawang fighters ay pawang kilala dahil sa kanilang matikas na kumbinasyon na siyang nagdala sa kanila sa kanilang kinalalagyan.
Aakyat si Campana, prodigy ng traditional boxing powerhouse na Sammy Gelloani stable sa Cebu na taglay ang 12-5 win-loss card na may 4 na knockouts at siya ay kilala rin sa kanyang monicker na Tornado dahil sa kanyang simbilis na hanging estilo ng kanyang pakikipaglaban.
Nauna ng idineklara ng PBF champ na handa siyang harapin ang RP champion sa anumang labanan nang siya ay lumagda ng four-stage stepladder tournament.
"Kung champion siya, champion din naman ako sa PBF. Patas lang kami. Di ako takot sa kanya," wika ni Campana na nagsabi pa na kanyang tuturuan ng leksiyon sa boxing ang kanyang kalaban.
Sa kabilang dako naman, aakyat rin sa ibabaw ng lona ang 22-gulang na si Barcelona, ipinagmamalaki mula sa pamosong Lazarito stable sa Cagayan na dala naman ang 26-5 win-loss slate na may 9 KOs.
"Gusto kong makasali dito sa PPBL dahil nandito lahat nang magagaling sa division namin. Hindi ko naman makakalaban ang mga yan kung nasa labas lang ako. Dito, labo-labo kami," wika naman ng tinaguriang The Maverick.