SPORTS AT PULITIKA

Tatlong sports personalities na kalahok sa halalang gaganapin sa taong ito ang naging panauhin sa lingguhang sesyon ng Sports Communicators‚ Organization of the Philippines (SCOOP) kahapon sa Kamayan-West.

Ito’y sina Lydia de Vega-Mercado, Bong Coo at Robert Jaworski. Si Diay, na dating tinaguriang Asian Sprint Queen, ay tatakbo bilang konsehal sa Meycauayan. Si Bong ay kabilang sa senatorial line-up ni Raul Roco samantalang si Jawo ay isang re-electionist sa ticket naman ni GMA.

Natural na ang tatlong ito ay malapit sa puso ng mga sportswriters at mga sports fans lalo’t iisiping hindi lang sa sariling bayan sila naging heroes kundi pati na rin sa ibang bansa.

Kumbaga’y hindi pa man sila nahahalal ay nakapagsilbi na sila sa Pilipinas. Hindi nga ba’t napakalaking karangalan para sa mga Pinoy na tugtugin ang Pambansang Awit sa ibang bansa habang ang lahat ng ibang atleta’y nakatayo’t nagbibigay pugay.

Sa tutoo lang, ang achievement sa larangan ng sports ay isang pagpapatunay na puwede ring mangibabaw ang isang bansa laban sa iba. Kahit man lamang sa sports ay maging Number One tayo panandalian. Okay na iyon. At least, sa pagiging Number One ng ating aleta ay nalilimutan din natin sumandali ang kahirapan ng bansa natin sa ibang aspeto.

Sa tatlong panauhin, very vocal si Sen. Jaworski sa estado ng sports sa bansa sa kasalukuyan. Kasi nga’y hindi kapuri-puri bagamat nagkaroon tayo ng higit sa 40 medalya sa nakaraang Southeast Asian Games ang ating naabot.

Biruin mo nga namang overall champion ang Vietnam na isang bansang galing sa giyera. Ganoong kabilis ang kanilang pag-asenso.

Oo’t ang Vietnam ang siyang naging host ng nagdaang SEA Games at understandable na magkaroon sila ng maraming gintong medalya. Pero hindi nga ba’t nag-host din tayo ng SEA Games noong 1991 subalit hindi naman tayo ang naging overall champion?

Rehabilitation ng sports facilities ang pinagtuunan ng pansin ni Sen. Jaworski na sinang-ayunan nina Coo at Mercado. Sinabi nila na kung hindi maayos ang facilities kung saan nagte-training ang ating mga atleta ay hindi magiging maganda ang ibubunga ng ating mga kampanya.

At siyempre, pagkalinga sa mga atleta, past and present ang kailangang ibigay nang husto.

"Nakapagpasa na ako ng isang batas kung saan ang mga atleta ay hindi lang makatatanggap ng financial support kundi pati na rin ng housing, educational, medical support at iba pa. Pero kulang sa coordination dito sa ating bansa, e. Nandoon na ang batas pero wala pa ring nangyayari. Kailangan lang pabilisin ang implementation nito," ani Jaworski.

Sinabi ni Jaworski na marami pa siyang nais gawin kung kaya’t tumatakbo siya ulit sa pagka-senador. "Kung palarin tayo at mahalal, e di tuloy ang lahat. Kung hindi naman, marami pang paraan upang makatulong. Ganoon lang ang buhay, e," aniya.

Sa tatlong atletang ito na pumalaot sa larangan ng pulitika, nasa inyo ang aming suporta!
* * *
HAPPY birthday kay Francis Asensi na magdiriwang ng kanyang ika-43 kaarawan bukas, Enero 18.

Show comments