Inaasahang darating anumang araw mula ngayon si Alvin Jefferson, isang slam dunk champion, upang agad na makapag-ensayo sa bubuuing koponan ni FedEx coach Bonnie Garcia matapos maka-pamili sa 2004 Draft.
Kilala na ni Garcia si Jefferson dahil nakita na niya itong maglaro nang maging assistant coach siya ni Darryl Dawkins sa Pennsylvania Valley Dawgs sa USBL. Nakalistang 69 si Jefferson.
"Malakas maglaro si Jefferson. Very athletic and very talented," ani Garcia na umaasang mabubuo ang bata, matangkad at mabilis na lineup na katulad sa prinsipyo ng FedEx owners.
Si Jefferson na papasa sa 68 height limit sa Fiesta Cup ay hinati ang paglalaro ng college ball sa Macon Junior College at University of Auburn. Nag-debut ito bilang professional sa Switzerland noong 1997-98 sa Coosanay at lumipat sa Austria para maglaro naman sa Burswood. Mula dito, sumapi naman siya sa Wasserbiulig sa Luxembourg.
Noong 1998-99, naglaro din ito sa Luxemburguese All-Star Game at nanguna sa Slam Dunk competition.
Winakasan ng FedEx ang kanilang 2003 nang ipamigay nila sa Talk N Text si Yancy de Ocampo, kapalit ng first round sa 2004 Draft. Naghahanap na rin ang Express na kukuha kay Vergel Meneses na ang kapalit din ang first round pick.
Kapag nagtagumpay ang FedEx sa pamimigay kay Meneses, magkakaroon ng apat na first rounders sa Draft. Sa kasalukuyan, hawak ng FedEx ang ikatlo at ikaapat na picks. Ang ikatlong pagpili ay kanilang nakuha sa Barangay Ginebra sa isang trade na naganap sa kanila na kinasasangkutan ni Eric Menk may dalawang season na ang nakakalipas.