Sisikapin nina Eusebio Quinones, Frederick Feleciano at Marites Bitbit na umasinta ng mailap na gintong medalya sa pagpedal nila sa mens cross-country ng mountain bike event ng cycling competition ng Southeast Asian Games sa Hanoi.
Ang womens race na sa 25 km course ay magsisimula ngayong alas-9 ng umaga (alas-10 sa Manila) habang ang mens naman ay sa alas-10:30 sa 35 km layout.
May magandang tsansa ang mga kalalakihan sa naturang event, ayon kay coach Oscar Rodriguez ngunit kay Bitbit, na sumasali din sa triathlon ay kailangang magsikap. Siya lamang ang natatanging lahok ng bansa sa naturang event.
Bagamat nasa bulubunduking lugar sa labas ng Hanoi ang kurso, dalawang beses nakapag-ensayo ang Nationals matapos na pumayag ang host Vietnam na suyurin ang layout sa lahat ng teams.
Ang pagtanggi ng host na buksan ang course ay nagpuwersa sa Indonesians at Singaporean na magwithdraw.
Hawak ni Quinones ang silver medal sa naturang event nang kanya itong masungkit noong 2001 Kuala Lumpur SEA Games habang si Feliciano ang second placer sa 2002 Asian championships. Sa kabilang dako, bronze medal naman ang binitbit ni Bitbit sa cross-country noong 2001. (Ulat ni DMVillena)