4th win asam ng Fash at Montana

Tangka ng Fash Liquid Detergent at Montana Pawnshop na maisubi ang kanilang ikaapat na panalo sa pakikipagharap sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBL Platinum Cup eliminations na magbabalik ngayon sa UST gym.

Kakalabanin ng Montana ang ICTSI-La Salle sa pambungad na laban sa ala-1:45 ng hapon habang sasagupain naman ng Liquid Powers ang Sunkist-UST sa ikalawang laro, alas-3:45 ng hapon.

Kasalukuyang parehong may 3-2 kartada ang Liquid Powers at ang Jewelers sa likod ng pangkalahatang lider na Welcoat na may 5-1 win-loss slate.

Hangad ng Montana na makabangon mula sa kanilang nakakahiyang 66-94 kabiguan kontra sa pahinga ngayong Paint Masters kamakalawa.

Nais namang makabangon mula sa back-to-back loss ang Fash na huling natalo sa kulelat na Viva-Mineral Water, 68-60 noong Sabado.

Ang Sunkist at ang La Salle ay kapwa may 2-3 panalo-talo sa likod ng Blu Star na may 3-3 record habang ang Viva-Mineral Water ay baon sa 1-5 kartada.

Nakatakda namang magharap ang Athens Olympic bound Angolan national squad at ang SEA Games Vietnam bound RP Team sa isang exhibition game sa Sabado sa Pasig Sports Center.

Show comments