"Talagang excited na si Manny," wika ni Buboy Fernandez, isa sa mga kokorner kay Pacquiao sa Nobyembre 15 sa Alamodome sa San Antonio, Texas. "Yung ibang mga boxers eh siguradong nagsisimula ng kabahan. Pero itong si Manny ay excited pa."
Ngayong araw ay iispar si Pacquiao sa kahuli-hulihang pagkakataon kontra kay Israel Vasquez sa Wild Card Boxing Club.
"Apat na rounds na lamang pero sigurado ako na bigay-todo ang gagawing pag-eensayo ni Manny dahil sa kinabukasan ay lilipad na kami patungong Texas," dagdag pa ni Fernandez.
Makakasama ni Pacquiao sa biyahe lulan ng Southwest Airlines sina Fernandez, Lito Mondejar, Ramon Lainez, Gerry Garcia at Freddie Roach. Kasama rin ng kampeon sa San Antonio ang kanyang asawang si Jinkee at ang reporter na si Nick Giongco.
Si Rod Nazario naman ay lilipad sa Texas mula sa Orlando, Florida, sa Miyerkules, kasama ang kanyang anak na si Rommel.
Samantala, sinabi ng isang tanyag na manunulat ng boksing na tatalunin ni Barrera si Pacquiao sa pamamagitan ng TKO sa kalagitnaan hanggang sa huling bahagi ng laban.
"Youve got to favor the bigger, more experienced fighter. But its obvious by the tone in the Barrera camp this week that the champ is taking this guy seriously. And for good reason," wika ni John Whisler sa kanyang istorya sa San Antonio Express-News kahapon.
"I like Barrera by TKO in the middle to late rounds," dagdag pa ni Whisler, na siyang isa sa mga sumusubaybay sa mga kaganapan hinggil sa pagtutuos ng dalawang kampeon.
Nakatokang magpakitang gilas sa isang public-press preview si Barrera ngayong araw sa Sams Club sa San Antonio. Si Pacquiao naman ay maaring gawin ang kanyang public-press preview sa Martes.
Ang official press conference naman ay gaganapin sa Miyerkules sa La Villita Assembly Hall, at ang opisyal na timbangan ay magaganap sa Sunset Station sa Biyernes.s