Pinatawan ang dalawang players ng malalaking multa ngunit nakalig-tas naman ang mga ito sa suspension.
Matapos rebisahin ang pangyayari, pinagmulta si Tugade ng P25,000 habang P20,000 naman ang ipinataw kay Caguioa na nagkagirian sa naturang laro kung saan nanalo ang Red Bull, 85-80.
Sa isang tagpo ng kanilang laban, nasiko ni Caguioa si Tugade na sumadsad sa sahig. Ngunit bumangon ito at sinuntok ang Ginebra player.
Dahil dito, nagkaroon ng komosyon sa court at mabuti na lamang at naawat din ito agad.
Samantala, tangka ng Red Bull na mailista ang ikalimang sunod na panalo habang sisikapin naman ng Sta. Lucia na mapatatag ang kapit sa liderato ng kanilang grupo sa pakikipagharap sa magkahiwalay na laban ngayon sa PBA Samsung Reinforced Conference sa PhilSports Arena.
Makakasagupa ng Realtors ang Ginebra sa alas-7:30 ng gabi pagka-tapos ng pakikipagharap ng Red Bull sa wala pa ring suwerteng Purefoods sa alas-5:00 ng hapon.
Mula nang makasama ng Barakos si import Scott Burell na pumalit kay Ramel Lloyd, nakaapat na sunod na panalo na ang Red Bull para sa 5-2 kartada.
Kung magtatagumpay sila ngayon, maaagaw nila ang ikalawang pu-westo sa Talk N Text (6-3) at makakalapit sa Group B leader na Coca-Cola (7-1).
Inaasahang mag-step naman ang mga locals ng Purefoods para naman di masayang ang paghihirap ni import Leonard Cooke tulad ng nangyari sa kanyang debut game. (Ulat ni CVOchoa)