Napuwersa ang UAAP na magdesisyon batay na rin sa rekomendasyon ng technical committee kung saan prinotesta ng University of the East ang last shot ni Jun Jun Cabatu na nagbigay sa Green Archers ng 65-64 panalo.
Sa pagrebisa ng UAAP technical committee na pinamumunuan ni Francis Carlos Diaz ng UP, sa tape ng laban noong Huwebes ng DLSU at UE sa Araneta Coliseum, binalewala ang nagpanalong shot ni Cabatu dahil tumunog ang final buzzer ng kumawala sa kanyang kamay ang bola sa three-point area. Bukod sa video na nakita sa tv, nagbigay din ang Studio 23 na isa pang video na kinuha naman sa ibang anggulo.
Kapwa ipinakita sa videos na ang basket ni Cabatu ay ginawa pagtapos tumunog ang buzzer at bagamat hindi ipinakita ang oras sa reverse angle ng isa pang video makikita namang pula na ang ilaw sa itaas ng board na hudyat ng pagtatapos ng laban.
At naging batayan ng UAAP board para baligtarin ang resulta ng laban ay ground rule on judgement calls na ipinatutupad nang magsimula ang 2003 season.
Kakaiba ang ground rule na ito na nagsasaad na ang buzzer-beating shots na ginawa sa pagtatapos ng first half o second half ng bawat laro o three-pointer, ang paggamit ng electronic devices ang magiging batayan, tulad ng video materials.
Ayon kay Jun Jun Capistrano, UAAP president ng 2003 season, na ang kakaibang ground rules na ito ay inirekomenda ng UAAP commissioners office na pinamumunuan ni Joe Lipa.
"We abide by the decision of the board and the recommendation of the technical committee," anaman ni Danny Jose, kinatawan ng De La Salle sa UAAP board.
Bunga nito, nakuha ng Ateneo ang No. 1 place na may biyaya ng twice-to-beat at maghaharap naman ang UE at FEU para sa No. 2 para din sa naturang bentahe, sa ganap na alas-4 ng hapon sa Linggo sa Araneta Coliseum. (Ulat ni Dina Marie Villena)<