2nd San Juan Inter-High School cagefest

Layunin ng walong iba pang eskuwelahang kalahok sa 2nd San Juan Inter-High School Basketball tournament na magsisimula ngayong ala-una ng hapon sa San Juan Gym na talunin ang Xavier.

Kahit pa nagpalit ng coach at mayroon lang limang carryovers buhat sa koponang nagkampeon noong isang taon ay kinukunsidera pa ring matindi ang Xavier School bunga ng pangyayaring maganda ang performance nito sa lahat ng torneong sinalihan nito.

Kumpiyansa ang bagong coach na si Patrick Aquino, dating manla-laro ng UP, na makapamamayagpag pa rin sila. Subalit sinabi niya na ibayong pagsisikap ang kailangang gawin ng kanyang mga bata dahil alam niyang matindi ang magiging kompetisyon ngayon.

Inaasahang magbibigay ng magandang laban sa torneong inorganisa ni San Juan vice mayor at dating PSC commissioner Leonardo "Boy" Celles ang Aquinas School, Florida Institute, OB Montessori Center Inc., Philippine Chen Kuang High School, Roosevelt College, San Juan Municipal High School, Tabernacle of Faith Christian Academy at Baguhang St. John‚s Academy.

Magsisilbing panauhin sa opening day ceremonies ang 2003 Bb. Pilipinas-World na si Ma. Rafaela V. Yunon at iba pang naimbitahang PBA players.

Show comments