Immonen umiskor ng maagang panalo

Umiskor ng kauna-unahang upset si 2001 World Pool Champion Mika Immonen sa World Pool Masters sa Hotel Zuiderduin sa Egmond Aan Zee, Holland nang daigin nito ang defending champion and four-time winner na si Ralf Souquet sa opening match 8-5.

Ipinagbunyi naman ang Hometown hero na si Alex Lely, na tumalo kina Efren "Bata" Reyes at Francisco "Django" Bustamante nang mapagwagian ang torneo noong 1999, nang gapiin nito si six-time World Snooker Champion Steve Davis ng Britain sa komportableng 8-3 iskor.

At sa final match ng araw, tinalo ng 28 year old World Pool Championship quarter finalist Huikai Hsia ng Chinese-Taipei si Niclas Bergendorff ng Sweden, 8-2.

Si Hsia, ay biglaang kapalit ng kababayang si Ching-shun Yang .

Kasalukuyang naglalaban pa ang mga pambato ng Pinas habang sinusulat ang balitang ito.

Kalaban ni Bustamante ang 23 anyos na Mosconi Cup star at no. 1 sa Euro Tour na si Nick Van Der Berg. Susundan naman ito ng duwelo nina Reyes at Tom Storm ng Sweden.

Impresibo ang panimula ni Souquet at umabante sa 3-0 ngunit napanatili ito ni Immonen at nagawang itabla sa 3-3 hanggang sa maagaw pa ang trangko sa 4-3. Nakabawi si Souquet sa 5-4 ngunit isang long shot ang minintis nito sa 1-ball at nakuha ni Immonen ang super 8-ball para itabla muli sa 5-5.

Sunod na makakaharap ni Immonen si Lely.

Show comments