Future Superstars

MAGANDA sana kung makapaglalaro sa Samsung-PBA Invitational Cup ang mga top collegiate players na tulad nina Rich Alvarez, Paul Artadi at James Yap na kabilang sa Philippine Team. Kasi nga’y makikita ng lahat kung uubra nga ang mga ito sa professional league na tiyak na aakyatan nila kapag hinog na sila.

Matitindi din ang tatlong players na ito. Katunayan, ngayon pa lang ay may asterisk na sa kanilang mga pangalan kung ang tatanungin mo ay ang mga PBA coaches.

Noong Disyembre, sa Christmas party ng Sta. Lucia Realty ay nasabi ni team manager Buddy Encarnado na kursunadang-kursunada niya si Alvarez, isang two-time Most Valuable Player sa University Athletic Association of the Philippines.

Kung binalewala na ni Alvarez ang natitirang playing year niya sa Ateneo de Manila at nagpa-draft, tiyak na pipiliin siya ng Sta. Lucia. Baka hindi nga nakipag-trade ang Realtors sa Alaska Aces kung saan ipinamigay nito ang first round pick kapalit ni Kenneth Duremdes.

Ani Encarnado ay kumpletong-kumpleto si Alvarez. Puwede siyang pumoste, puwedeng tumira sa labas at mahusay din sa depensa. Kaso nga’y hindi nagpa-draft si Alvarez.

Si Yap naman ay parang si Samboy Lim na mas matangkad at mas may katawan. Hindi nga ba’t bago pa siya nakuha ng University of the East ay maraming ibang kolehiyo ang naghangad sa kanyang serbisyo. Kasi nga’y nakita na kaagad ang kanyang potential habang naglalaro pa sa isang high school team sa Iloilo.

Si Artadi, na isang point guard buhat sa UE, ay mabilis at mautak. Isa siya sa mga responsable sa pagkakapanalo ng Welcoat House Paints ng kampeonato sa Philippine Basketball League Chairman’s Cup. Oo’t kabilang sa Welcoat ang mga tulad nina Rommel Adducul, Eddie Laure at Ronald Tubid subalit hindi matatawaran ang kontribusyon ni Artadi.

Sayang!

Hindi kasi pinayagan ng kani-kanilang eskuwelahan na maglaro ang tatlong ito sa Invitationals dahil sa sabay ang torneo ng PBA sa kasalukuyang UAAP Tournament. May conflict sa schedule. Natural na sa puntong ito’y unahin muna nila ang kani-kanilang eskuwelahan.

Isa pa’y hindi naman nagawan ng paraan sa scheduling ng laro ng UAAP na iwasan ang Invitationals. Pero nagawan naman ng paraan upang mapagbigyan ang mga manlalarong ito sa international competitions na lalahukan ng RP Team.

Bagamat hindi nga lalaro sina Alvarez, Yap at Artadi sa Invitationals, ngayon pa lang ay sinasabing magiging superstars din sila sa PBA kapag umakyat na sila sa pro league.

Tiyak iyan!

Show comments