Adamson Lady Falcons sa UAAP Women's Basketball Tournament

Pinaglaruan ng Adamson University ang University of the East, 109-39 noong Linggo upang magpadala ng malakas na mensahe sa defending champion De La Salle University, sa panimula ng UAAP women’s basketball sa Adamson gym.

Tinalo naman ng UST Lady Tigers ang FEU Lady Tamaraws, 65-61 habang nalusutan naman ng Ateneo Lady Blue Eagles ang UP Lady Maroons, 68-66. Naka-bye naman ang Lady Green Archers noong Linggo.

Ang tagumpay ng Lady Tigers at Lady Eagles ay isang uri ng paninilat dahil ang Lady Tamaraws at Lady Maroons ay kapwa 3rd at 4th placer ayon sa pagkakasunod habang ang Ateneo at UST naman ay 5th at 6th placer noong 2003.

Muling magbabalik ang laro sa Linggo sa Adamson gym sa pagitan ng DLSU at UE ganap na alas-8 ng umaga na susundan naman ang Ateneo at Adamson sa alas-9:30 ng umaga at UP kontra FEU sa alas-11 ng umaga.

Samantala, sa volleyball, sinorpresa ng UP ang defending men’s champion UST habang pinalakas naman ng FEU ang kanilang kampanya sa women’s side.

Tinalo ng Maroons ang Tigers, 25-22, 25-21, 25-21 habang iginupo ng Lady Tamaraws ang Lady Tigers, 25-18, 25-23, 21-25, 25-23 para sa ikalawang kabiguan ng UST sa UP Human Kinetics gym sa Diliman, Quezon City.

Nasorpresa din ang De La Salle nang yumuko ito sa Tama-raws, 20-25, 22-25, 25-21, 25-20, 17-19.

Tinalo naman ng Adamson ang National U, 25-18, 25-12, 25-16 at pinabagsak ng UE ang Ateneo, 25-13, 25-16, 25-20.

Sa kababaihan, dinaig ng UE ang Ateneo, 25-16, 25-20, 25-20, pinigil ng DLSU ang UP, 25-15, 25-20, 25-17 at pinayuko ng Adamson ang NU, 25-23, 25-21, 25-12.

Show comments