Katulong sina Chris Dela Cruz at Ver Roque, iginupo ng Starmen ang Barakos sa makapigil-hiningang 85-83.
Mula sa 9 na puntos na pagkakaiwan sa ikatlong quarter 57-48 matapos iselyo ang halftime sa 48-41 pabor sa Barakos, naglaglag ng 14-7 salvo ang Phil. Star sa pagtutulungan nina De Guzman, Dela Cruz, Roque at Mario Geocada ang naglapit sa iskor sa 63-68.
Mula dito, nagpalitan na lamang ng trangko ang dalawang koponan at halos hindi na magkaiwanan hanggang sa muling umigkas ang maiinit na kamay nina Roque, Dela Cruz at De Guzman para sa 10-2 run para muling kunin ang trangko sa Barakos.
Ngunit hindi basta-basta bumitiw ang Red Bull at nagtangkang muling agawin ang bentahe ngunit sa kasamaang palad ay gumawa ng isang krusiyal na error si Francis Raushmayer sa huling segundo ng bakbakan na nagbigay ng kasiguraduhan sa kampeonato ng Phil. Star.
Sa naunang laro, nakopo naman ng CAR Inc. ang konsolasyong ikatlong puwesto makaraang gapiin ang PLDT, 85-67.
Samantala, nagbigay ng kasiyahan sa manonood ang exhibition match ng SMC All-Star na binubuo ng mga dating PBA players.
Tinalo ng SMC South ang North 84-81 kung saan pinangunahan ni dating Sta. Lucia Realtors Noynoy Falcasantos na tumipa ng 19 puntos.
Buo ang suportang ibinigay ng Red Bull management sa Barakos nang dumating para manood ng game sina owner Jaime at George Chua, PBA Red Bull team manager Tony Chua at Board of governor representative Mr. Jun Balagtas ngunit hindi naging sapat para maagaw ang momentum sa Starmen sa suportado din ng Adidas.
Napili namang Most Valuable Player si Roque kung saan mismong si Genju Lapez, president ng Coca-Cola Bottlers Phils. Inc. ang nag-abot ng tropeo at sinamahan nina SMC Media officer Serge Alombro, VP-Corporate Affair Ira Maniquis at AVP manager External Affair Mon Santiago.