Target ng Barako ang kanilang ikatlong panalo kontra sa wala pang panalong Sunkist sa pa-bungad na salpukan na maaring maglagay sa kanila sa isang puwesto sa crossover semis sa alas-8 ng umagang salpukan.
Nahaharap naman sa mas mabigat na hamon ang defending champion RCBC at CAR Inc. na makakaharap ang host Phil. Star at PLDT, ayon sa pagkakasunod.
Magtatagpo ang Starmen at Bankers sa alas-9:30 ng umaga na agad susundan ng duelo ng Car Makers at star-studded PLDT sa alas-11 ng umaga.
Ang panalo ng Phil. Star, PLDT at Barako ay maglalagay sa kanila sa 1-2-3 place.
At maiiwan ang ikaapat na puwesto na paglalabanan ng CAR at RCBC dahil sa kanilang magkatulad na baraha na 2-3.
Ngunit dahil sa nanalo ang Car Makers kontra sa Bankers 115-103, makukuha ng una ang tiket sa Final four.
Base sa tournament format, makakaharap ng No. 1 ang No. 4 at No. 2 vs No. 3 naman kung saan ang dalawang magwawaging team ang siyang may karapatang magharap para sa korona at ang dalawang talunan ang para sa third place.
At kung sakaling magkaroon ng silatan at matatalo ang Phil. Star at PLDT at manalo ang Barako, magkakaroon ng five way tie, ito ay reresolbahin sa pamamagitan ng win over the other at quotient system.
Hindi hahayaan ng Starmen na makatikim pa ng isang kabiguan na maaring maglagay sa kanila sa No. 4 sa crossover semis na magbi-bigay daan naman sa Phone Pals sa No. 1 at RCBC sa No. 2 posisyon sa isa pang posibleng sitwasyon.