Pananatili sa kontensiyon ang ipaglalaban ng Purefoods sa kanilang alas-5:00 ng hapong pakikipagsagupa sa FedEx nais ipormalisa ang kanilang pagsulong sa eight-team quarter-finals.
Do-or-die game ito para sa Purefoods na kulelat sa Group A taglay ang 5-10 record bunga ng kanilang tatlong sunod na kabiguan at kailangan nilang ma-sweep ang huling tatlong laro kabilang ang laban ngayon at umasang may makatablang team sa walong panalo.
Ang kanilang huling dalawang asignatura ay ang Talk N Text at San Miguel Beer.
Kung mananalo ang FedEx, makikinabang din ang San Miguel, Alaska at Sta. Lucia dahilo makukumpleto na ang quarterfinals cast sa Group A.
Sa bawat grupo, isa lamang ang masisibak na koponan pagkatapos ng eliminations.
Bukod sa quarterfinal slot, hinahabol din ng mga koponan ang awtomatikong slots sa Asian Invitational.
Ang top-five teams pagkatapos ng eliminations ay pasok na sa second conference habang ang natitirang limang teams ay dadaan sa single round robin kung saan ang mangunguna ay makakasama sa second conference.
Ang panalo ng FedEx ang maglalagay kay Derick Pumaren bilang coach ng Group A selection para sa nalalapit na All-Star game sa June 1 sa Araneta Coliseum.
Magiging no-bearing na ang laban ng Beermen at Tigers kung mananalo ang Express sa unang laro dahil pareho na itong sigurado sa quarters.
Ngunit kailangan pa rin ng dalawang koponang ito ng panalo para sa automatic slots sa Asian Invitationals. (Ulat ni Carmela Ochoa)