"Pinagtulungan kasi ako kahapon," bungad ng 27-anyos na si Luzon ukol sa Stage 8 kung saan nalaglag ito sa ika-12th puwesto mula sa fourth overall individual standing.
"Sigurado kong babawi ako ngayon," aniya. "Di ako papayag na hindi makabawi."
Kahit pa sumemplang ito patungo sa huling pitong kilometro ng 200.4 kms na karera kahapon ay agad itong sumakay sa bisikleta at humarurot patungong finish line at tapusin ang Stage 9 sa oras na apat na oras, 44 minutos at 53 segundo.
"Buti na lang may 400 meters na ang layo ko kina Michael (Primero ng Gilbeys) at Felix (Celeste ng VAT Riders). Binasa kasi ng bumbero yung kalye kaya nag-slide yung bike ko. Medyo masakit nga itong tagiliran ko," kuwento ni Luzon na sumegunda kay Enrique Domingo ng Postmen sa Stage 7.
Mula sa ika-12th puwesto, nasa No. 6 si Luzon na kumubra ng P10,000 habang sina Primero at Stage 8 winner na si Celeste ay P5,000 at P3,000 bilang runner-up stage winner ayon sa pagkakasunod.
Kahit na mahigit anim na minuto ang layo ni Ramos sa stage winner, nananatili pa rin sa kanya ang yellow jersey sa oras na 33:45.19 ngunit si Rhyan Tanguilig ng Pagcor na ang nasa kanyang likuran na may distansiyang isang minuto at 40 segundo na lamang.
"Dun sa neutral zone bago makarating sa 0-start, dyumingle ako. Pagbalik ko, may nag-breakaway na, naipit na ako sa likod," ani Ramos. "Akala ko mahububad na sa akin ang yellow jersey. Sa last 50 kilometers, naghabol kami kasama sina Davadilla (Warren ng Intel) at Querimit (Arnel ng Tanduay). Sagad-sagad talaga, ang tulin namin, mga 50-55 (kph) ang takbo namin."
"Sa start pa lang, nung nagkabanatan, sumabay na ako," sabi naman ni Tanguilig. "Walang mangyayari sa akin kung magbabantay ako dahil puro national team ang mga kasama ko."
Nanatili si Domingo sa third place kasunod si Querimit na nanggaling sa No. 2 at Davadilla.
Umangat naman sina Placido Valdez ng Drug Busters, Lito Atilano ng Gilbeys at Lloyd Reynante ng Pagcor habang muling nakapasok sa top 10 si Renato Dolosa ng Gilbeys.
Nangunguna pa rin sa P1 milyon team prize ang Intel na may oras na 136:37.05 kasunod ang Postmen na may 9:59 minutong distansiya, Tanduay at Samsung.
Inaasahang muling mabubulabog ang team standings sa 83-kms Team Time Trial stage 9 mula Vigan hanggang Laoag at dahil isasama sa overall individual standing ang oras ng mga siklista, inaasahang gagalaw din ang top 10 overall.