Galing sa dalawang sunod na pagkatalo, sisikapin ng Thunder na tabunan ito sa kanilang pakikipagduwelo sa Purefoods TJ Hotdogs sa unang laro, bandang alas-5 ng hapon.
Isa sa naging problema ng Thunder sa kanilang kampanya ang pagkawala ng kanilang point guard na si Jimwell Torion na sinuspinde ng PBA matapos na malamang positibo ito sa paghithit ng shabu na naging daan upang maputol ang kanilang 10-game winning streak.
Gaya rin ng Thunder, problemado rin ang Kings sa kanilang line-up matapos na patawan ng indefinite suspension si Fil-Italian Alex Crisano ng PBA matapos na masuring positibo ito sa paggamit ng droga.
Samantala, suportado ng Barangay Ginebra team ang ginagawang disciplinary action ni PBA Commissioner Noli Eala na ipinataw kay Alex Crisano matapos na mapatunayang positibo ito sa droga, ito ang ipinahayag kahapon ni team manager Ira Maniquis.
"We shall continue cooperating with the PBA in enforcing league regulations to eradicate use of illegal drugs among the players," dagdag pa niya.
Ayon sa kanya, makaraang malaman ang resulta ng drug test ni Crisano, agad itong nag-boluntaryo para sa re-test. Isinumite rin ni Crisano ang mga vitamin supplements na kanyang iniinom na posibleng naging sanhi upang maging positibo ito sa drugs na nakita sa kanyang urine test.
Pinuri naman ni Sen. Robert Barbers si Eala dahil sa seryoso nitong kampanya na maging drug-free ang PBA.
Sa pahayag ni Barbers, sinabi nitong nasisiyahan ito sa pagsasagawa ng PBA ng random drug test sa lahat ng professional players na hini-hinalang gumagamit ng mga illegal drugs tulad ng marijuana, shabu at iba pang ipinagbabawal na performance enhancing drugs.
Si Barbers, na kasalukuyang nasa huling yugto na ng imbestigasyon sa Fil-Am controversy, ay nagsabing nasisiyahan siya sa house cleaning na ginagawa ng bagong commissioner ng pangunahing professional basketball league sa Asya.
"Commissioner Eala is doing a fine job in trying to weed out professional players in the league who are not living up to their responsibilities of being role models to our youth" anang Mindanao solon. (Ulat ni Maribeth Repizo)