3 summer events tatalakayin sa PSA

Tatlo sa pinakamalalaking events ngayon sa palakasan ang tatalakayin sa PSA Forum sa pagbabalik nito sa lingguhang session bukas sa Manila Pavillion Hotel.

Ang nalalapit na Tour Pilipinas, Palarong Pambansa at ang regional qualifying sa 2003 Champions League ang mga isyung pagmumulan ng talakayan sa alas-10:30 ng umagang forum na hatid ng Agfa Colors, Red Bull at PAGCOR.

Tatalakayin nina Tour Pilipinas Chairman Bert Lina, Tour Executive Director Mar Mendoza at ng 12 team captains at coaches ang nalalapit na dalawang linggong summer bikathon na magsisimula sa Abril 26, habang bibigyan naman nina Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo at PSC Chairman Eric Buhain ng updates ang mga mediamen hinggil sa Palarong Pambansa sa Tubod sa Mayo 4-11.

Pag-uusapan naman nina Joe Lipa, Commissioner Ramon Fernandez at Boy Santiago ang mga detalye para sa ikalawang edisyon ng Champions League.

Show comments