Alas-3:00 ng hapon nang masagot ni Andy Cepeda, ang security personel sa fourth floor ng PSC building, ang tawag mula sa nagpakilalang SPO4 Flores ng Station 9.
Ayon kay Cepeda, sinabi diumano ng naturang caller na halughugin ang kapaligiran ng PSC dahil may isang Alvin Santos ang nakapasok at nag-iwan ng bomba sa naturang gusali.
"Parang galit ang boses nung tumawag at nagpakilalang si SPO4 Flores ng Station 9 daw siya,"ani Cepeda. "Sabi niya i-check daw namin ang vicinity ng PSC kasi either nasa suwelas daw ng sapatos o nasa VCD yung bomba."
Idinagdag pa ni Cepeda na sinabi ni SPO4 Flores na nagpadala na sila ng bomb disposal unit.
Agad ini-report ni Cepeda ang tawag kay PSC Deputy Executive Director Ed Mateo na nagsabi naman ng insidente kay Philippine Sports Commission Chairman Eric Buhain.
Ipinag-utos agad ni Mateo ang paghalughog sa building at sa kapaligiran nito at pagpapalabas sa mga empleyado na naghahanda para sa concert na handog ng PSC at Samsung sa mga atleta na tinaguriang "Alay sa Gintong Medalya: The Thanksgiving Concert," ng mga oras na iyon sa PSC building.
Matapos ang masusing pagbubusisi, wala naman palang bomba at wala ring dumating na bomb squad. (Ulat ni Carmela Ochoa)