Bababa ang Salary Cap

SI Jeffrey Cariaso lang siguro ang maituturing na superstar sa mga manlalaro ng Philippine Basketball Association na may kontratang mapapaso sa December 31. Kasi, siya lang naman ang beterano ng Busan Asian Games sa mga ito bagamat kasama din sa listahan si Boyet Fernandez ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs na isang reserve sa naturang koponan.

Kaya naman wala na sigurong problemang haharapin pa si Cariaso sa pakikipag-negosasyon pa sa contract renewal. Tiyak na papipirmahin siya ng kontrata ng Coca-Cola.

Ang katanungan na lamang diyan ay kung magkano ang magiging halaga ng kanyang kontrata?

Kasi nga, malamang na bumaba ang kanyang monthly salary sakaling magkasundo ang Board of Governors sa bagong salary cap na paiiralin nila simula sa isang taon. May mungkahi na ibaba ang salary cap ng players buhat sa kasalukuyang P500,000 kada buwan patungong P350,000. Ito’y paiiralin sa mga bagong kontratang pipirmahan at hindi na sa mga existing contracts.

Ang pagkakaalam ko, si Cariaso ay kumikita ng higit sa P400,000 kada buwan. Kung sakali’y mababawasan iyon kahit pa sabihing makuha na niya ang maximum sa ilalim ng bagong salary cap.

Laking malas!

Bale may kabuuang 67 manlalarong may kontratang mapapaso sa December 31. Bukod kay Cariaso, ang iba pa’ng prominenteng pangalan sa listahan ay sina Dorian Peña ng San Miguel Beer, Edward Joseph Feihl ng Alaska Aces, Bal David ng Barangay Ginebra, at Dindo Pumaren ng FedEx.

Puwede rin sigurong bayaran ng tig-P350,000 kada buwan sina Peña at Feihl dahil sa matatangkad silang manlalaro at mahahalaga sila sa kani-kanilang koponan.

Si Peña ay isa sa mga frontrunners para sa Most Improved Player award sa taong ito. Posible pa ngang puwede siyang lumaban para sa Most Valuable Player award.

Ang 7’1 na si Feihl ang pinakamatangkad na manlalaro sa PBA at kitang-kita naman ang improvement sa kanyang laro mula nang kunin siya ni coach Tim Cone sa isang trade sa kalagitnaan ng taong ito. Halos double-double ang average niya sa Alaska Aces.

Sa cost cutting measures na paiiralin ng PBA ay may nagsasabing lugi ang ilang players dahil sa hindi sila mababayaran ayon sa tunay nilang halaga. Pero wala tayong magagawa, eh. Dama na rin kahit ng PBA ang ekonomiya natin at upang patuloy na mabuhay ay kailangan ng ganitong drastic measures.

Heto ang kabuuan ng listahan ng manlalarong may expiring contracts:

ALASKA ACES - Rob Duat, Jojo Lastimosa, Jon Ordonio, Eric Reyes, Rodney Santos, Alvin Teng at Ritchie Ticzon.

BARANGAY GINEBRA - Marlon Basco, Banjo Calpito, Jay-jay Helterbrand, Elmer Lago, Ronald Magtulis, Wilmer Ong, Marlon Piodo at Boy Valera.

COCA-COLA - Ernesto Ballesteros, Cris Bolado, Jason Misolas, Renato Morano, Raffi Reavis at Jovy Sese.

FEDEX - David Friedhof, Zaldy Realubit at Biboy Simon.

PUREFOODS - Richard Yee, Ronnie Magsanoc, Bonel Balingit, Marc Steven Victoria, Junel Mendiola, Roger Yap, Paul Guerrero at Jolly Escobar.

RED BULL - Nelson Asaytono, Noli Locsin, Jay Mendoza, Edmond Reyes, Junthy Valenzuela at Anton Villoria.

SAN MIGUEL BEER - Ronaldo Carmona, Alvin Castro, Art dela Cruz, Bryan Gahol, Dwight Lago, Michael Mustre at Ronilo Padilla.

SHELL VELOCITY - Rensy Bajar, Anthony dela Cruz, Michael Hrabak, Alejandro Lim, Art del Rosario at Robert Wainwright.

STA. LUCIA REALTY - Gherome Ejercito, Noynoy Falcasantos, Michael Orquillas at Richard del Rosario.

TALK ‘N TEXT - Paul Alvarez, Alex Crisano, Gabby Cui, Kenny Evans at Jercules Tangkay.

Show comments