Chinese-Taipei durog sa RP-5

BUSAN, South Korea – Hindi pinaporma ng Philippine basketball team ang batambatang Chinese-Taipei upang ipamukha ang kanilang matinding pagnanasa na muling makamit ang supremidad sa larangan ng basketball makaraang payukurin ng Nationals ang Taiwanese, 83-69 sa quarterfinal round ng basketball competition na ginanap sa Geumjeong stadium.

Ang panalong ito ng Nationals ay kanilang ikalawa sa quarterfinal assignments na nagbigay sa kanila ng ticket sa semifinal round.

Mabagal ang simula ng Pinoy sa unang quarter kung saan malagkit na depensa ang ibinigay nina Tien Lei at Wu Chih kay Paul Asi Taulava, nagising agad ang Nationals at nagbaba ng 18-4 bomba para sa 12-puntos na kalamangan na sinundan ng 12-6 atake na nagsara sa first half sa 43-34.

Tinangkang bumangon ng Chinese-Taipei sa pagpasok ng huling canto nang tumirada ang mainit na kamay ni Yang Yu Ming na kumana ng tatlong sunod na three-pointers ngunit hindi hinayaan ng Pinoy na makabangon pa ang Taiwanese at muling humataw sina Olsen Racela, Kenneth Duremdes at Taulava para itarak ang 21-puntos na kalamangan may limang minuto pa ang nalalabi.

Muling nagtangkang bumangon ang mga Taiwanese sa pagtutulungan nina Wu Chih Wei at Chiu Chi Yi ngunit huli na ang lahat at ang tanging nagawa ay maibaba lamang ng hanggang 15-puntos ang kanilang agwat, 80-65.

"We are ready to face China but for the meantime, we will take a break. We have three days breaks before our game with China," ani Uichico na gusto munang mag-relax.

Makakaharap ng Nationals ang higanteng China sa Martes.

Ang panalo ng RP team ay nagsiguro sa kanila ng puwesto sa semifinals kaya kahit matalo sila sa China sa Martes ay wala nang epekto ito. (Ulat ni Dina Marie Villena)

Show comments