Reyes sasargo ngayon

BUSAN, South Korea -- Lahat ng mata ay nakatutok ngayon sa pambatong cue artist ng Pilipinas na si Efren ‘Bata’ Reyes sa kanyang pagsargo sa 8-ball pool singles preliminary sa billiards competition ng 14th Asian Games na gaganapin sa Dongju College gym.

Bagamat hindi niya forte ang 8-ball, malaki ang pag-asa ng 48-anyos na tinaguriang ‘The Magician’ na makapagbigay ng inaasahang karangalan sa bansa makaraang magkampeon ito sa 8-ball championships na ginanap sa Singapore ilang araw bago tumulak patungo sa Asian Games.

Makakasama ni Reyes, may hawak ng ilang international title sa taong ito, ang batang si Lee Van Corteza upang ibigay ang dobleng kakayahang huwag mapakawalan ang inaasahang gintong medalya.

Isasalang din si Reynaldo Grandea sa partie libre singles preliminary.

Bagamat dismayado ang ilang tagasubaybay ng billiards na mapa-nood si Reyes sa pa-borito nitong 9-ball, ma-laki pa rin ang pag-asa ng bansa na masungkit ang gold dito sa pagkakalahok ng isa pang world title holder na si Francisco ‘Django’ Bustamante na kasama si Antonio Lining sa pagtumbok sa naturang event.

"Di bale, basta gagawin ko na lang ang lahat ng aking makakaya para mabigyan ng kasiyahan ang ating mga kababayan," may lungkot ngunit pakumbabang pahayag ni Reyes. (Ulat ni DMV)

Show comments