Ayon kay Seigle kasama si National assistant coach Eric Altamirano na nagtungo sa PBA Commissioners Office makaraang ipatawag ni acting PBA commissioner Sonny Barrios, ay inaawat lamang nito ang kasama niya na nasasangkot sa gulo kontra sa mga bouncer ng Club V.
Sinabi rin ni Seigle na magpapatunay nito ang may-ari mismo ng club na si Philip Chua.
Agad ring tinawagan ni Barrios si Chua at pinatotohanan rin nito ang sinabi ni Seigle na umawat lamang ang player.
"I am happy to hear from the owner that Andy was not directly involved in that incident," ani Barrios.
Dahil dito, sinabi rin ni Chua na ipapatawag din niya ang dalawang bouncer upang hingan ng kanilang salaysay hinggil sa totoong nangyari.
Ayon pa kay Chua, makikipagtulungan siya kay Barrios, upang malinis at maliwanagan ang lahat na hindi basagulero si Seigle tulad nang napapaulat sa ilang pahayagan.
Nang mabalitaan ni Barrios sa mga pahayagan ang naganap na insidente at ang pagdedemanda ng mga bouncer kay Seigle, agad nitong kinausap ang cager at inusisa sa tunay na naganap.
Sinabi rin ni Seigle na hindi lamang anim sila kundi siyam na magkakasama sa grupo kasama rin ang kanyang asawa na nagpunta sa club. Limang lalaki at apat na babae silang magkaka-grupo. (Ulat ni Dina Marie Villena)