Titulo itataya ni Rubillar vs Vorapin

Itataya ng kasalukuyang World Boxing Council (WBC) International Minimumweight champion Ernesto Rubillar ang kanyang korona kontra Phalangchai Sor Vorapin ng Thailand sa darating na Biyernes sa Agosto 30 sa Casino Filipino Parañaque.

Ito ang ikalawang pagtatanggol ni Rubillar sa kanyang korona matapos na matalo ang kapwa Filipinong si Zarlit Rodrigo noong Pebrero 24, 2001.

Matapos ang ikalawang buwan ay idinipensa ni Rubillar ang korona laban kay Somthawin Singwongcha na idinaos sa Kidapawan City. Muling nagwagi si Rubillar sa pamamagitan ng technical knockout sa ika-4 na round.

Sa edad na 29, isa lamang ang nais ni Rubillar, ang matagumpay na maidepensa ang titulo at mapataas pa ang kasalukuyang WBC ranking kung saan siya ay number 2 at mabigyan ng pagkakataon na mapalaban at makamit ang world title.

"Matagal ko nang hinihintay na mapalaban sa world championship. Naiinip na ako at matagal ko nang pinaghandaan yon," wika ni Rubillar.

Suportado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, Philippine Charity Sweepstakes Office, Family Rubbing Alchol, Family Toothpaste at National Sports Grill, ang Matira Matibay II ay handog ng Elorde International Productions sa pamumuno ni boxing promoter Bebot Elorde Jr.

Ang mga tickets para sa labang ito ay mabibili na sa lahat ng Casino Filipino Metro Manila branches-Holiday Inn Pavillion, Heritage Hotel, Grand Boulevard Silahis at CF-Parañaque.

Show comments