"Malaki ang chance ng team dahil magagaling ang mga kasama ko," pahayag ni Bustamante na siyang panauhin sa PSA Sports Forum kaha-pon na lingguhang ginaganap sa Holiday Inn.
Kasama ni Bustamante na dumalo sa Forum ang pangulo ng Billiards and Snookers Congress of the Philippines (BSC) at ang head coach na si Ramon Ancaja.
Si Bustamante ay ang pinakahuling karagdagan sa 9-man billiards and snooker team ng bansa dahil na rin sa pakiusap nina Efren Bata Reyes at Philippine Sports Commission Chairman Eric Buhain.
Isang malaking karagdagang puwersa ang hatid ni Bustamante sa koponan dahil siya ang pinakamalakas sumargo sa koponan.
Para makapaglingkod sa bansa, isinakripisyo ni Bustamante ang nakatakdang paglahok sa US Open kung saan may inaasahang may pa-premyong $40,000-$50,000 na kasabay ng Asian Games.
"Di ko lalaruan ang tournament para makasama ako sa Asian Games," pahayag ni Bustamante na nakatakdang maglaro sa 9-ball doubles kasama si Antonio Lining.
"Di ko sigurado kung makakakuha ako ng gold dahil isa lang ang event na sasalihan ko pero gagawin ko ang lahat."
Si Reyes ay nakatakdang lumaro sa 8-ball singles kasama si Lee Van Corteza hindi sa kanyang paboritong 9-ball individual singles kung saan sasalang naman sina Antonio Lining at Warren Kiamco.
Ngunit may posibilidad na maglaro si Reyes sa 9-ball.
"Puwede namang pag-usapan yan dahil August 15 pa naman ang deadline ng submission ng line-up," wika ni coach Ancaja.
Kung saka-sakali magpapalit ng event sina Reyes at Lining.
Sinabi rin ni Ancaja na malaki rin ang tsansa na makakuha ng gold sa snooker dahil ilalahok ang Asian champion na si Marlon Manalo.