Matapos ang matagumpay na Metro Manila elimination run noong nakaraang linggo na humakot ng 7,000 runner, magiging punong abala naman sa susunod na regional race ng 26th National Milo Marathon sa Linggo ang Lipa City, Batangas.
Inorganisa ng Community Affairs Department sa pangunguna ni Jun Dijan at nagbigay naman ng buong suporta ang Lipa City government, isa ang nasabing event sa mga tampok na aktibidades sa pagdiriwang ng foundation month ng nasabing siyudad kung saan sina City Mayor Vilma Santos Recto ang kanyang asawa na si Senator Ralph Recto ang siyang special na panauhing pandangal.
Aabot sa 3,000 runners ang inaasahang lalahok sa Milo Marathon event na may suporta rin ng Bayview Park Hotel, Adidas, Cebu Pacific, Ford at ng Department of Tourism bukod pa ang mga lahok mula sa ibat ibang public at private schools at colleges sa Lipa City, Batangas City at sa mga kalapit na probinsiya gaya ng Laguna, Cavite, Quezon, Rizal at Mindoro. Ang La Corona de Lipa ang siyang local supporter ng nasabing event.
Nagpadala ang Lipa City Community School ng aabot sa 2,000 mag-aaral na tatakbo sa 3K at 5K runs na kasabay na gaganapin ng 20K qualifying race kung saan ang top three male at female finishers ang siyang pagkakalooban ng slot para sa Milo Marathon finals sa Manila sa Disyembre. Ang iba pang paaralan na nagpadala ng kanilang entries ay ang UP Los Baños.