Ang panalo ng Thunder ang siyang naghatid sa kanila sa pansaman-talang pakikisosyo sa liderato sa Talk N Text at Coca-Cola na pawang naglista ng malinis na 2-0 panimula.
Mula sa 81-75 kalamangan, isiniguro ni Miller ang kampanteng katayuan ng Thunder nang humataw ng triples bago sinundan ng buzzer-beater upang palakihin ang kanilang kalamangan sa 10-puntos, 85-75, may 1:47 ang nalalabi sa laro.
Si Miller ay tumapos ng 11-puntos sa likod ng tig-dalawang assists at steal upang bigyan ng malaking suporta ang reinforcement ng Thunder na si Tony Lang na tumapyas ng 27-puntos.
Hindi lang sa opensa nagpasiklab ang Thunder, kundi maging sa depensa ng maglatag ito ng malalinta upang supilin ang import ng Aces na si Ajani Williams na nakapuntos lamang ng 10-puntos kumpara sa kanyang naitalang 22-puntos sa debut game nito ng kanilang talunin ang San Miguel Beer, 77-69.
Nanatiling malaking banta ang Aces nang makalapit sa 78-75, 5:10 ang nasa oras, pero hindi na nagiba ang composure ng Thunder at agad ding sumagot si Harp ng jumper upang ilayo ang kanilang bentahe sa 80-75, may 4:40 ang nasa tikada.
Sa ikalawang laro, dinaig ng Selecta-RP Team ang San Miguel Beer, 74-62.(Ulat ni Maribeth Repizo)