Blu at ICTSI mag-uunahan sa huling finals berth

Huling finals berth ang nakataya sa sagupaan ngayon ng Blu Sun Power at ICTSI-La Salle sa nakatakdang winner-take-all match ng PBL Chairman’s Cup sa Pasig Sports Center.

Ang mananalo sa alas-4 ng hapong duwelo ng La Salle at Detergent Kings ang siyang haharap naman sa finalist ng Ateneo-Hapee-Negros Navigation para sa best-of-five championship series na magsisimula sa Lunes.

Tabla ang personal records ng Detergent Kings at ICTSI-La Salle sa 2-2.

Unang namayani ang La Salle sa 66-55 sa opening day, bago bumawi ang Blu sa 69-68 panalo noong Mayo 10 sa elimination. Nakauna naman ang ICTSI Archers sa 77-63 noong Mayo 27 sa semifinals, pero muling nakabawi ang Blu sa 72-68 noong June 10 na naghatid sa kanila para sa playoff match kung saan nasa panig nila ang mataas na morale.

Inaasahan na magiging mahigpit ang sagupaan ng dalawang koponan kung saan halos hindi nagkakalayo ang kani-kanilang coach kung coaching abilities ang pag-uusapan.

Show comments