Isang heros welcome ang iginawad kay Pacquiao nang dumating ito buhat sa matagumpay na pakikipaglaban sa Estados Unidos.
"Idol, Idol, mabuhay ka!" sigaw ng mga tagahanga ni Pacquiao habang naglalakad ito patungo sa immigration area.
May ilang beses ding huminto si Pacquiao upang kamayan ang kanyang mga tagahanga at magpose para sa souvenir photo.
"Unang una, nagpapasalamat ako sa Diyos sa panalong ito, at inihahahandog ko sa ating mahal na Pangulo ang koronang ito," ani Pacquiao.
Naidepensa ni Pacquiao ang kanyang titulo laban sa challenger na si Jorge Julio ng Colombia sa pamamagitan ng technical knockout sa ikalawang round nang pabagsakin nito si Julio ng dalawang beses.
"Malakas ding sumuntok ang kalaban ko. Nakatsamba lang ako ng tamaan ko siya," ang pakumbabang sabi ni Pacquiao.
Ang laban ni Pacquiao ay napanood sa buong mundo dahil isa ito sa supporting bout ng laban sa pagitan nina Lennox Lewis at Mike Tyson kung saan namayani ang una.
Sa ngayon, magpapahinga muna si Pacquiao bago sumailalim sa puspusang pag-eensayo bilang paghahanda sa kanyang susunod na depensa. (Ulat ni Butch Quejada)