Si Yturri ay kinuha ng Sta. Lucia Realty bilang assistant coach matapos na magbitiw ito bilang coach ng Cebu Gems kamakailan. Hindi pa naman kaagad nakasapi sa Realtors si Yturri dahil sa kasalukuyan ay nasa Israel ang Sta. Lucia kung saan lumahok ito sa isang goodwill tournament.
Dahil sa pagkuha kay Yturri ay lalong lumakas ang usapan hinggil sa pag-alis ni Franz Pumaren na siyang kinukunsidera bilang head coach naman ng Talk N Text Phone Pals. Sa ngayon ay marami nang nasa bench ng Realtors at nakakatulong ni Black. Kabilang dito sina consultant Alfrancis Chua at assistant coaches Adonis Tierra at Gerardo Santiago.
Kung si Pumaren ay tuluyang kukunin ng Talk N Text ay iiwanan nito ang La Salle Green Archers na nabigyan niya ng apat na kampeonato sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Kapag iniwan ni Pumaren ang Green Archers, sinasabing si Yturri na isa ring alumnus ng La Salle ang maaaring pumalit sa kanya.
Si Yturri ang unang assistant coach ni Black noong 1997 nang lisanin nila ang San Miguel Beer upang maging coach ng Mobiline (ngayoy Talk N Text). Matapos ang isang conference ay lumipat sila kapwa sa Pop Cola.
Sa kalagitnaan ng sumunod na season ay kinuha naman ng Cebu Gems ng karibal na Metropolitan Basketball Association si Yturri bilang head coach. Sa ilalim ni Yturri ay sumegunda ang Gems sa Manila Metrostars noong 1999.
Sa paglisan ni Yturri sa Cebu ay kinukunsidera ng Gems bilang kahalili niya si Francis Rodriguez ng Davao Eagles. Kung sakaling lilipat si Rodriguez, siya naman ay hahalinhan ni Orly Castelo sa Davao. (Ulat ni ACZaldivar)