Ballester, Martes kampeon sa Milo Marathon

Kapwa ginamit nina Allan Ballester at Christabel Martes ang kanilang malawak na karanasan sa karera upang dominahin ang kani-kanilang mga kalaban at ibulsa ang korona ng Milo Marathon kahapon ng umaga na ginanap sa Quirino Grandstand.

Pambihirang performance ang ipinamalas ni Ballester nang magtala ito ng bagong record sa kalalakihan matapos na tabunan ang dating marka sa pinakamahabang karera sa bansa at matagumpay na ibulsa ang kanyang ikalawang sunod na korona.

Umalagwa ang 27-anyos na si Ballester, miyembro ng National team na pumangalawa lamang kay Roy Vence sa event na ito sa nakaraang Southeast Asian Games na ginanap sa Malaysia sa huling 10-kilometro ng 42.195 kilo-metrong karera upang mag-isang tahakin ang finish line sa tiyempong dalawang oras, 23 minutos at 47 segundo na mas mabilis ng limang segundo sa naimarka ni Vence, hindi nakasali dahil sa kanyang injury noong 1999.

"Desidido talaga akong magposte ng record, kaya’t sinabi ko sa sarili ko na kaya ko ‘tong gawin, wala si Vence," pahayag ni Ballester na nag-uwi rin ng P75,000 bukod pa ang P10,000 bilang insentibo sa pagkakabura sa pitong taon ng dating marka.

"Talagang pinaghandaan ko ito dahil silver anniversary ng Milo Marathon. At maganda ang panahon. Sabi ko sa starting line pa lang, malakas na ang pacing ko. Nakadalawa na ako pero puwede pa itong maging tatlo o mas marami pa. Depende na lang ito sa aking training," dagdag ni Ballester na kailangan na lamang ng isang panalo upang pantayan ang tagumpay ng kanyang nakakatandang kapatid na si Wilfredo.

Kinuha naman ng magpinsan na sina Crisanto Canillo Jr., at Rovel Canillo ang ikalawa at ikatlong puwesto.

Naorasan si Crisanto ng 2:25:15, habang nagsumite naman ng tiyempong 2:34:40 si Rovel.

Hindi naging sagabal kay Martes, gold medalist sa SEA Games ang kanyang iniindang injury nang magsumite ito ng 3:00:23 upang isubi ang kanyang ikatlong korona sa kababaihan.

"Pa-pacing-pacing lang ako dahil sa injury ko na natamo ko bago mag-SEA Games. Talagang hinahangad ko lang na manalo at hindi sa pag-break ng record dahil ayokong pilitin baka bumalik ang hamstring injury ko," wika naman ng 22-anyos na si Martes na isang BS Education graduate ng Benguet State University. Si Martes ay nagbulsa naman ng P50,000 premyo.

Bunga ng panalo nina Ballester at Martes, kakatawanin nila ang bansa sa Asian Marathon na gaganapin sa Hongkong sa Pebrero sa susunod na taon.

Sumunod kay Martes sina Flordeliz Cachero na may 3:09:14 at ang lahok ng Thailand na si Apassara Prasathimphim na may 3:09:51.

Show comments