Makakaharap ng Power Boosters na may 1-2 win-loss slate ang wala pa ring panalong Ateneo-Pioneer sa alas-3:30 ng hapon, habang maghaharap naman ang ICTSI Archers at Montana Pawnshop sa alas-5:30 ng hapon.
Ang Ateneo-Pioneer at Shark ay galing sa dalawang huling pagkatalo kayat inaasahan na eksplosibong opensa ang kanilang ihahataw upang tabunan ito.
Matapos ang kanilang debut na panalo, 75-65 kontra sa kanilang sister-team Blu, dalawang sunod na minalas ang Power Boosters, una ng yumukod sila sa Ana Freezers, 67-72 noong Nov. 8 at sumunod sa Kutitap Toothpaste, 66-77.
Di rin naging maganda ang unang laro ng Blue Eagles Insurers nang matikman ang 70-75 pagkatalo sa mga kamay ng Montana noong nakaraang Huwebes na sinundan ng 82-92 dagok kontra Ana Freezers noong Sabado.
Ang panalo ng ICTSI Archers ang maglalagay sa kanila sa pakikisosyo sa liderato sa pahingang Welcoat Paints na may malinis na 3-0 record.