Pacquiao dumating na

Bagamat bakas ang pagkadismaya sa naging resulta ng kanyang unification bout laban kay Agapito Sanchez, buong pagmamalaki pa ring iwinagayway ni International Boxing Federation (IBF) super bantamweight champion Manny Pacquiao ang kanyang championship belt sa kanyang mga tagahanga na sumalubong sa kanyang pagdating.

Ang "Last Man Standing" sa Philippine boxing, at tinaguriang ‘The Des- troyer" ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport nuong Martes lulan ng Northwest Airlines flight NW-027 mula sa San Francisco, California dakong alas-9:15 ng gabi.

Kasama ni Pacquiao ang kanyang 7-buwang buntis na kabiyak na si Jennie, ang kanyang manager na si Rod Nazario, at ang kanyang handler na si Marty Elorde.

"Si Sanchez na yata ang pinakamaruming boksingero na nakalaban ko. Maraming low blows at head butts ang inabot ko," ani Pacquiao.

Sa kabila ng pagpapanatili ng kanyang korona, nanghihinayang pa rin si Pacquiao dahil hindi nakita ng buong mundo na kaya niya si Sanchez.

"Alam kong nasaktan ko siya (Sanchez) sa first round kaya nag-resort na siya sa dirty tricks pagda-ting sa second round kaya ako inabot ng head butt sa kilay. Tuloy-tuloy ang dirty tricks niya hanggang itigil ang laro sa sixth round," dagdag pa ni Pacquiao.

Ayon kay Pacquiao, magpapahinga muna siya ng isang linggo bago muling mag-training sa kanyang title defense subalit hindi nito alam kung sino ang kanyang makakaharap.

Ayon pa sa Pinoy champ wala siyang balak makipag-rematch kay Sanchez dahil ayaw na ng kanyang handlers na muli niya itong makalaban. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments