Jordan binitbit ang Wizards

MIAMI - Maaalala pa rin ng lahat si Michael Jordan.

Umiskor si Jordan ng 18 puntos lahat ay pawang sa first quarter--nang talunin ng Washington Wizards ang Miami Heat, 99-79 sa kanilang exhibition game noong Sabado ng gabi.

"I’m walking in an area where I feel comfortable," ani Jordan. "I would’t have came back if I didn’t think I was capable of playing like I did in the first quarter. I’m not saying I’m done yet. I’m still moving...It was a good outing, but I will build on that, I promised you that."

At sa kanyang ikalawang laro sa kanyang comeback, napasaya ng 38-anyos na si Jordan ang sell out crowd sa buong first quarter.

Siya ay nagposte ng 7-of-10 shooting at 4-of-4 mula sa free throw line sa unang yugto ng laro. Tanging sa second quarter lamang sumablay si Jordan at ang lahat ng kanyang tira ay pawang sa loob ng 3-point line.

Nilisan ni Jordan ang laro sa kaagahan ng ikalawang quarter at hindi na muling nagbalik. Tumapos din si Richard Hamilton ng 18 puntos para sa Wizards.

Sinimulan ni Jordan ang laro bilang shooting guard at nagbabad ng 12 minuto kabilang ang 11 sa first quarter.

Paminsan-minsan ay lumalaro rin si Jordan bilang small forward, ngunit hindi ito gaya ng kanyang ginawa sa kanyang debut.

Sa Kansas City, Missouri, kapwa tumapos sina Terence Morris at Oscar Torres ng 18 puntos upang pamunuan ang Houston Rockets sa 98-85 panalo kontra sa Detroit Pistons.

Naibaba ng Detroit ang kalamangan ng Rockets sa 89-85 mula sa tres ni Chucky Atkins may 2:38 ang nalalabi, pero isinelyo ng Rockets ang kanilang panalo sa pagsalpak ng siyam na puntos.

Sa Indianapolis, humakot si Ron Mercer ng 14 puntos at nagdagdag naman si A.J. Guyton ng 11 nang talunin ng Chicago Bulls ang Indiana, 86-81.

Sa iba pang exhibition games, tinalo ng San Antonio Spurs ang Boston Celtics, 124-78, sinilat ng New Jersey Nets ang Cleveland Cavaliers, 98-86 at pinabagsak ng New York Knicks ang Philadelphia 76ers, 98-67.

Show comments