Si First Gentleman ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport buhat sa Kuala Lumpur sakay ng Malaysian Airlines flight MH 704 kung saan personal niyang pinangunahan ang pag-aasikaso sa mga manlalaro ng Pilipinas.
Sinabi ni Mr. Arroyo na bagamat panglima lamang ang Pilipinas sa overall medal standings, naging kahanga-hanga ang attitude ng mga manlalaro at dahil dito nangako ang unang ginoo ng financial assistance sa mga atleta, may medalya man o wala.
Ayon kay Arroyo, binigyan niya ng tig-$100 ang bawat miyembro ng contingent sa SEAG bilang pagkilala sa kanilang ipinamalas na kabayanihan.
Nagbigay din umano ang Kasama ni GMA (KGMA) isang Foundation ng P4.5 milyon para sa mga atleta at karagdagang P2 milyon na hahatiin sa mga gold, silver at bronze medalists.
Sinabi din ni Arroyo na personal niyang kukumbinsihin ang lahat ng opisyal ng ibat ibang sports organization upang magkaisa at kalimutan ang sobrang pulitika alang-alang sa bayan.
Ipinahayag din ng First Gentleman na dalawang pribadong kumpanya, ang Caltex at Johnson and Johnson ang nangakong sila ang magi-isponsor sa ilang manlalaro sa darating na Asian Games.
"Magandang development ito dahil private companies na ang hahawak, hindi na pera ng gobyerno ang gagastusin kaya wala ng pag-aawayan, ani Mr. Arroyo. (Ulat ni Butch Quejada)