SEA Games Task Force chief abala na

KUALA LUMPUR - Dumating dito kahapon si SEA Games Task Force Chief Ritchie Garcia at naging abala ito sa paghahanda para sa accomodation, pagkain at iba pang mahahalagang bagay para sa malaking grupo ng National delegation na darating dito ngayon.

"As far as the Kuala Lumpur sites are concerned, no problems so far, everything’s basically in place," ani Garcia.

Inihanda ni Garcia ang pagsalubong sa delegasyon na kinabibilangan ni First Gentleman Mike Arroyo at Philippine Sports Commission Chairman Butch Tuason.

May tatlong lungsod ng Malaysia ang magiging punong abala sa 21st edisyon ng beinnial meet kaya’t malalayo ang biyahe ng mga opisyal para bisitahin ang mga atleta.

‘Bagamat karamihan sa mga events ay gaganapin sa Kuala Lumpur, apat ang isasagawa sa Johoro Bahru at apat din sa Penang.

Nakatakdang magbigay si Garcia ng inisyal na report kay Tuason bukas ng gabi.

Nakatoka naman ang dalawang lady Commissioner ng PSC na sina Cynthia Carrion at Weena Lim sa ibang venues upang siguruhing maayos ang kalagayan ng mga atleta.

"There will be PSC officials in all three venues, we made sure of that," ani Garcia. "We will be making quick evaluations of every performance and hopefully come up with feasibilities."

Nakipag-ugnayan na rin si Garcia sa mga opisyal ng organizing committee para sa billeting, transportasyon at komunikasyon lalo na sa opening ceremonies sa Sabado.

Ayon kay Garcia ay moderno ang medical facilities at nani-niwala itong mabibigyan ng sapat na atensiyon ang mga atleta sa oras na kailangan.

Binisita rin nito ang mga atletang nauna nang dumating dito kabilang ang golf at soccer team.

Show comments